
“Watak na watak”, ganyan ilarawan ng isang Political Analyst ang sitwasyon ngayon sa Senado matapos ang pag-walkout ng Minority Bloc kasunod ng mainit na debate sa panukalang amyenda sa Senate rules para payagan ang remote attendance at electronic voting ng mga Senador.
Nagsimula ang diskusyon matapos ihain ni Senador Rodante Marcoleta ang mosyon na payagang dumalo sa sesyon ang mga senador sa pamamagitan ng virtual setup ngunit kinontra ito ng minority bloc.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Michael Henry Yusingco, ang Senado ay collegial body na siyang gumagawa ng desisyon at aksyon ayon sa consensus ng majority of the numbers o mga miyembro, ngunit ang nangyari kahapon ay nawala na ang collegiality ng Senado.
Aniya, ang pagkakawatak-watak ngayon ng Senado ay ipinapakita lamang na imbes na trabaho ang inaatupag ay nakatuon lamang ang atensyon nila sa kung paano lalamangan ang kabilang panig.
Iginiit nito na hindi maaasahan sa ngayon ang Senado dahil hindi nila ginagawa ang kanilang trabaho na solusyonan ang mga problema bagkus ay kinakawawa lamang nila ang taumbayan.
Idinagdag nito na kahit mayroon majority o minority sa Senado ay dapat magkasundo ang mga senador upang maipatupad ng maayos ang kanilang trabaho.
Gayunman, paalala niya sa publiko na kung gusto nilang baguhin ang katayuan ngayon ng Senado ay huwag na lamang bumoto ng mga payaso at magnanakaw, gayundin ang dynastic candidates bagkus ang iboto ay ang non-dynastic candidates sa 2028 elections.










