
Trauma para kay Jocelyn Cacayan ang kaniyang panganganak dahil pinaniniwalaang pinilit siyang mag-normal delivery sa Ilocos Sur District Hospital-Narvacan kahit na ito ay nahihirapan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Cacayan na taga-Taleb, Nagbukel, Ilocos Sur, ang due date nito ay April 20 ngunit madaling araw pa lamang ng April 19 ay nagsimula nang maglabor kaya nagtungona sila sa ISDH-Narvacan.
Aniya, nagkataon na wala noon ang doctor niya kaya midwife ang nag-asikaso sakanya at sinubokan itong paanakin ngunit noong nahihirapan na magnormal delivery ay gumamit umano ng vacuum ang midwife upang mailabas ang sanggol.
Sinabi nito na kahit ilang ulit niyang sinabi na hindi kaya ang panganganak ng normal ngunit napagsabihan lamang na kakayanin nito dahil naka-ilang anak na, (ito na kasi ang ikatlong pagkakataon niyang managanak).
Noong hindi pa rin mailabas ang sanggol ay tinawagan ng midwife ang isa pa nitong kasamahan na siyang tumulong, ngunit ganon pa rin ang kanilang ginagawa ang patuloy na pag-vacuum sa sanggol at diniinan ang paghilot sa tiyan ni Cacayan upang mailabas na ang bata.
Nang dumating na ang doktor ni Cacayan at nakita nitong nahihirapan na sa sitwasyon ay inirefer na nito agad sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang kaya ito ang sinunod nila ngunit nalaman nila na walang duty driver ng ambulansya kaya tinawagan na lamang nila ang naka-day off na driver na kanilang hinintay ng aabot sa 20 minutes, bago sila nakapunta sa Gabriela at mag-aalas dose na ng tanghali.
Nang dumating sila sa Gabriela ay maganda naman umano ang pagtrato sa kanila ng mga staff at agad naisagawa ang pag-CS kay Cacayan kaya nailabas na nito ang kaniyang anak ngunit sinabi ng doktor na kritikal ang anak nila dahil umano sa sugat na natamo sa ulo, kaya ilang oras lang ang nakalipas ay binawian na ng buhay ang sanggol.
Dahil diyan ay hustisya ang sigaw ng partner ni Cacayan na si Michael Peralta sa nangyari sa kanilang anak at aminadong hindi maganda ang naging trato sakanila ng ilang staff ng ISDH – Narvacan dahil noong pagdating pa lamang nila para sa pag-labor ni Cacayan ay hindi na sila agad naasikaso.
Inalala pa nito na noong nasa loob pa lamang sila ng ambulansya at patungo sila sa Gabriela ay pinagsalitaan pa raw umano si Cacayan na maaaring mas magiging madali ang kaniyang panganganak kung hindi ito iyak ng iyak.
Masakit kay Peralta ang pangyayari kaya hiling nito sa lahat ng staff ng nasabing ospital na maging maayos ang pagtrato sa mga pasyenteng dahil nangangailangan sila ng tulong at hindi ang kanilang kasungitan.










