--Ads--

Pormal nang naordinahan bilang obispo si Bishop Nick Argel Vaquilar sa pamamagitan ng Episcopal Ordination na pinangunahan ni Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo sa ginanap na Solemn Eucharistic Celebration sa St. Augustine Parish Church sa Bantay, Ilocos Sur.

Ang ordinasyon ay nagsisilbing paghahanda sa kanyang paglilingkod bilang ikaapat na Obispo ng Diocese of Urdaneta.

Dumalo sa makasaysayang pagdiriwang sina Nueva Segovia Archbishop David William Antonio, Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, mga obispo, pari, relihiyoso, at libu-libong mananampalataya mula sa iba’t ibang bahagi ng Northern Luzon.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Bishop Vaquilar kay Pope Leo XIV sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang bagong pastol ng Diocese of Urdaneta.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Bishop Vaquilar, buong pananampalataya at pagmamahal sa Simbahan niyang tinanggap ang misyong ipinagkatiwala sa kanya.

Ipinagdasal din niya na maging tapat siyang lingkod ng Diyos at mapaglingkuran ang mga mananampalataya nang may kababaang-loob, pagmamahal, at matibay na pananampalataya.

Si Bishop Vaquilar ay tubong San Juan, Ilocos Sur at dating rector ng Immaculate Conception School of Theology sa Vigan bago italaga ni Pope Leo XIV bilang ikaapat na Obispo ng Diocese of Urdaneta.

Samantala, nagpatupad naman ng traffic advisory ang lokal na pamahalaan ng Bantay bilang bahagi ng paghahanda sa makasaysayang okasyon.