Isang 19-taong-gulang na babae ang natagpuang patay sa ginagawang septic tank sa bahay na ipinapatayo sa Barangay Tinaan, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan kay Police Major Macario Dulawan Jr., nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan noong gabi ng Hulyo 6.
Ayon sa mga kasamahang uminom ng biktima, nagpaiwan umano ito at nakatulog dahil sa kalasingan.
Kinaumagahan naman habang naglilinis ang may-ari ng ipinapatayong bahay, nakita na lamang nito ang katawan ng biktima sa loob ng ginagawang septic tank.
Hindi pa matukoy kung ang pagkamatay ng biktima ay dahil sa aksidenteng pagkahulog sa septic tank o sinadya.
Pumayag naman ang pamilya ng biktima na maisailalim sa autopsy ang bangkay ng dalaga upang matukoy kung may foul play sa nangyari.