--Ads--
CTTO- Si Patrolman Jay Valdez Balisi na namatay sa pamamaril ng isang police trainee sa Abra

VIGAN CITY – Anggulong “love triangle” ang isa sa mga tinitingnang rason ng pamamaril ng isang police trainee sa Bangued, Abra kung saan namatay ang pulis na pinaniniwalaang kalaguyo ng asawa nitong isa ring pulis.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nangyari ang pamamaril sa Room 2 ng HRH Space Rental, Zone 7, Bangued, Abra kung saan ang namatay ay nakilalang si Patrolman Jay Valdez Tabili at sugatan naman ang asawa ng suspek na si Patrolwoman Jemalyn Langgoyan.

Ang suspek naman ay nakilalang si Police Trainee Joseph Langgoyan na kasalukuyang nasa ilalim ng Field Training Program ng Bangued PNP.

Napag-alaman na bibisitahin sana ng suspek ang asawa nito sa inuupahan niyang kwarto sa nasabing space rental nang madatnan sa loob ng kwarto sina Jemalyn at Tabili na magkasama.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nagalit ang suspek at pinagbabaril ang dalawa kung saan natamaan ang ulo ni Tabili na sanhi ng agarang pagkamatay nito samantalang natamaan naman sa tiyan nito si Jemalyn na kasalukuyang ginagamot ngayon sa Abra Provincial Hospital.

Nakarekober ang mga nagrespondeng otoridad ng isang armscor caliber 45 pistol na mayroong anim na bala at isang caliber 9 mm Tauros pistol na may sampung bala.

Samantala, nakakuha rin ang mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ng isang basyo ng caliber 45, tatlong basyo ng caliber 9 mm, isang basyo ng hindi pa kilalang baril at dalawang metal fragments.

Sa ngayon, nakakustodiya na sa Bangued PNP ang suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.