--Ads--

VIGAN CITY – Hindi maipaliwanag ang saya na nararamdaman ng isang newly licensed physician matapos siyang pumasa sa March 2026 Physicians Licensure Examination, dahil nakamit niya ang kanyang pinapangarap sa kabila ng maraming pagsubok na dumaan sa kanyang buhay.

Si Dra. Jadelhyn Calixterio mula sa Narvacan, Ilocos Sur ay una nang nagpanawagan noong Marso 2022 sa Bombo Radyo Vigan sa hangaring matagpuan ang kanyang tunay na pamilya. Nawala siya noong 1997 sa Pangasinan at kalaunan ay kinupkop ng isang pamilya mula sa Ilocos Sur na nagsilbi na niyang sariling pamilya. Dahil sa kumalat na panayam, natagpuan niya ang kanyang tunay na pamilya noong Abril 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dra. Calixterio, ipinahayag niya ang kanyang lubos na pasasalamat, dahil naniniwala siyang ang lahat ng nangyayari sa kanyang buhay ay kagustuhan ng Panginoon, kaya patuloy siyang nagtitiwala sa Kanya.

Ayon sa kanya, iniaalay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang dalawang pamilya — ang kumupkop sa kanya sa Ilocos Sur at ang kanyang tunay na pamilya na kasalukuyang nasa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpasalamat din siya sa Bombo Radyo sa tulong na naibigay upang matagpuan niya ang kanyang tunay na pamilya, sa kabila ng tila imposibleng paghahanap noon.