
Isinagawa ngayong araw ang wreath-laying ceremony sa lalawigan ng Ilocos Sur bilang paggunita sa ika-136 na anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Elpidio Quirino, ang ikaanim na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Pinangunahan ang paggunita ni Ilocos Sur Governor Jerry Singson, kasama ang pamilya Quirino at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Cory Quirino, apo ng dating pangulo, nagpahayag ito ng pasasalamat dahil taon-taon ay patuloy na inaalala ng publiko ang kaniyang lolo at ang mga naiambag nito sa bansa.
Ayon kay Quirino, sa pamamagitan ng patuloy na paggunita sa dating pangulo ay naipapasa rin sa susunod na henerasyon ang mga aral at prinsipyong iniwan nito.
Binigyang-diin din ni Cory ang isa sa mahahalagang desisyon ng kaniyang lolo noong panahon ng kaniyang panunungkulan—ang pagbibigay ng pardon sa mga Japanese war criminals na nakapiit sa Muntinlupa at nakatakda nang bitayin.
Aniya, naging mahalagang hakbang ang naturang desisyon sa pagsisimula ng pagkakasundo at paghilom ng ugnayan ng Pilipinas at Japan matapos ang digmaan.
Dagdag pa nito, makikita sa kasalukuyan ang bunga ng naturang pagkakasundo sa patuloy na pagiging donor ng Japan sa bansa.










