--Ads--

Tatlo ang patay at isa ang kritikal sa pag-araro ng isang four wheels sa walong sasakyan sa Barangay San Nicolas, Candon City, Ilocos Sur.

Kabilang sa aksidente ang tatlong four wheels na sasakyan, dalawang traysikel, apat na motorsiklo at may isa pang pedestrian na nadamay.

Ang mga namatay ay kinilalang sina Dandilo Pascua Galigaro, residente ng Barangay San Isidro, Candon City, pasahero ng umararong sasakyan; Claude Apigo Joshua, 29-anyos, residente ng Barangay San Nicolas, sa nasabing syudad at si Rodrigo Ugalde Callos, residente ng Barangay Poblacion Norte, Salcedo na ang mga ito ay parehong naideklarang dead on arrival.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PLT. Jovelyn Antalan, tinatahak ng lasing na drayber ng CRV ang patimog na direksyon nang inararo nito ang dalawang motorsiklong sinusundan niya kabilang na rin ang isa pang traysikel.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi nakapagpreno ang drayber kung kaya’t nabangga nito ang dalawa pang motorsiklo, isang traysikel at ang dalawang four wheels bago ito bumaliktad.

Labindalawang katao ang nadamay sa aksidente – anim sa mga ito ang sugatan habang tatlo naman ang hindi na sumailalim sa pagamutan dahil tanging ang kanilang mga sasakyan lamang ang may sira.

Napag-alamang nasa impluwensiya ng alak ang drayber ng sasakyang umararo nang mangyari ang insidente at mahaharap ito sa patung-patong na kaso.