
Labis ang pasasalamat ng isang bagong guro na anak ng construction worker at labandera matapos makamit ang ikawalong puwesto sa Licensure Examination for Teachers (LET).
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Yvhone Shyra Pacurza, halos maiyak siya nang malaman ang resulta dahil hindi niya inaasahang magiging topnotcher, lalo’t may ilang bahagi umano ng pagsusulit na nahirapan siyang sagutan.
Lubos din ang kanyang pasasalamat sa mga magulang dahil sa kanilang sakripisyo, suporta at pagsisikap upang maitaguyod ang kanyang pag-aaral.
Ibinahagi pa nito na may mga pagkakataong kinakailangan nilang mangutang upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan sa pagrereview.
Habang hinihintay ang resulta ng pagsusulit, nagtrabaho rin siya bilang tutor.
Ngayong isa na siyang ganap na lisensyadong guro, sinabi ni Pacurza na bukas siya sa anumang oportunidad na ipagkakaloob sa kanya ng Panginoon.
Si Pacurza na tubong-Nagbukel, Ilocos Sur ay nagtapos sa Don Mariano Marcos University at nagkamit ng 93.80 na rating.










