
Hindi umano sapat ang pagtaas sa panukalang 2027 national budget upang makasabay sa inflation at matugunan ang patuloy na problema ng kahirapan at kagutuman sa bansa.
Ito ang iginiit ni Sonny Africa, kasabay ng pagtukoy sa anim na porsiyentong pagtaas ng panukalang pambansang badyet kumpara sa 2026 national budget, habang nasa 2.7 porsiyento ang inflation rate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Africa, sinabi nitong tila mas binibigyang-prayoridad ng gobyerno ang pagbabayad ng utang, dahilan upang mabawasan ang pondong dapat sana ay nakalaan sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Dagdag pa niya, hindi nagpapakita ng sapat na solusyon ang panukalang 2027 budget upang matugunan ang lumalalang kahirapan at kagutuman sa bansa.
Binigyang-diin ni Africa na mahalagang matiyak kung paano ilalaan ang pondo ng pamahalaan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng publiko, lalo na ng mga sektor na lubhang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.










