
Posibleng paglabag sa mga pamantayan ng konstruksyon at hindi pagsunod sa aprubadong plano ang dahilan ng pagguho ng isang gusali sa Kenya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Bombo International News Correspondent Lou Biating, mayroon nang mga bitak ang gusali habang itinatayo pa lamang ito, na posibleng palatandaan ng problema sa kalidad o kaligtasan ng konstruksyon.
Ayon kay Biating, posibleng may kaugnayan sa korapsyon ang mga paglabag sa construction standards at hindi pagsunod sa aprubadong plano ng gusali.
Dagdag pa niya, hindi ito ang unang pagkakataong may gusaling gumuho sa naturang bansa dahil may mga naitatalang kahalintulad na insidente kada tatlo hanggang anim na buwan.
Dahil dito, binigyang-diin ni Biating ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pamantayan ng konstruksyon at sa mga aprubadong plano upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.










