
Umabot sa 97 pamilya o humigit-kumulang 290 indibidwal ang isinailalim sa pre-emptive evacuation sa Ilocos Sur dahil sa epekto ng bagyong Maymay.
Ang mga inilikas ay mula sa mga bayan ng Tagudin, Sigay, Quirino, Santa, at Vigan.
Ayon kay Ilocos Sur Governor Jerry Singson sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, agad na naipamahagi ang mga kinakailangang tulong sa mga evacuee.
Wala pa namang naitalang malaking pinsala sa lalawigan, maliban sa ilang nagtumbahang puno.
Gayunman, nakahanda ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices at Rural Health Units para tumugon sa anumang emergency.
Nanatiling passable ang lahat ng pangunahing kalsada matapos agad linisin ang mga lugar na naapektuhan ng pagguho ng lupa sa ilang upland municipalities.










