
Nagpahayag ng pagkabahala ang women’s rights group na EveryWoman sa umano’y pagbabahagi ni Senador Pia Cayetano ng isang spliced video kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa co-convenor ng grupo na si Jean Franco, nagulat, nabahala at nalungkot sila sa naturang social media post na umano’y nagbigay ng impresyon na hindi nasagot ni Rep. Chel Diokno ang tanong ni Senator-judge Alan Peter Cayetano sa pagdinig.
Giit ng grupo, bilang senador at nagsisilbing senator-judge sa impeachment trial, mas mataas ang inaasahang pamantayan ng publiko sa pagiging responsable at maingat sa pagbabahagi ng impormasyon, lalo na sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon sa social media.
Sinabi rin ng EveryWoman na ang naturang insidente ay maaaring makaapekto sa kredibilidad hindi lamang ng Senado kundi maging sa integridad ng buong impeachment process.
Dahil dito ay naisipan ng grupo na maghain ang ethics complaint laban kay Cayetano.
Anila, bilang senator-judge, nararapat lamang na pairalin ang pagiging patas at itaguyod ang Konstitusyon sa pagganap ng kanyang tungkulin.










