--Ads--

Umapela ang Volunteers Against Crime and Corruption sa Department of Justice na mabigyan ng seguridad ang mga witness at mamamahayag na hindi bumibitaw sa kasong mga nawawalang sabungero.

Partikular na tinukoy ni VACC President Arsenio ‘Boy’ Evangelista si Julie ‘Dondon’ Patidongan o alyas ‘Totoy’ na maituturing na whistleblower sa kaso dahil sa kanyang mga isinawalat na impormasyon gaya na lamang ng pagdawit nito sa pangalan nina Atong Ang at Gretchen Barretto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Evangelista, narapat aniyang sumailalim si alyas Totoy at iba pang mga witness sa Witness Protection Program upang masigurong nababantayan ang kanilang kaligtasan.

Itinuturing ng VACC na malaking hakbang sa pagkamit ng hustisya sa mga nawawalang sabungero ang pagsisimula ng imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa nito na matapos ang apat na taon ay mabibigyang muli ng pag-asa ang pamilya ng mga sabungero na matagal ng nananawagan ng hustisya at nagtatanong kung ano ang tunay na nangyari sa kanilang mga kaanak.