
Hindi inakala ng isang graduate ng University of Northern Philippines na siya pala ang mangunguna sa sa katatapos na August-September 2026 Nurse Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan sa Top 1 na si Dianne Tacazon Tolentino, una niyang tiningnan ang listahan ng mga pumasa at nang makita na niya ang kaniyang pangalan ay isinunod naman niyang tingnan ang mga topnotchers.
Sinabi niyang tiningnan niya ang listahan mula sa ibaba, hanggang sa magulat siya nang mapansing nasa pinakaunang pwesto ang kanyang pangalan.
Agad pa niya itong bineripika dahil hindi siya makapaniwala na siya nga ang nakapwesto sa Top 1.
Ayon kay Tolentino, apat na taon siyang naghanda para sa board exam, simula pa lamang noong unang taon niya sa kolehiyo.
Isa rin umano sa pinakamalaking hamon sa kanya ang pagbuo ng kanyang confidence, lalo na’t hindi lamang sarili niya ang nararamdaman niyang kanyang nire-represent kundi pati ang University of Northern Philippines at ang buong Ilocos Sur.
Sa kabila ng paghahanda, hindi naging madali para sa kanya ang mismong examination period dahil tatlong beses siyang naospital at halos buwan-buwan ding nagkakasakit.
Sa kabila nito, nagpatuloy siya hanggang makamit ang pinakamataas na pwesto sa national nursing board exam.
Si Tolentino ay nakakuha ng 92.20 percent rating, habang isa pang UNP graduate na si Josian Vince Bajet Bermio ang nag-Top 9 na may 90.60 percent.
Sa ngayon, plano muna ni Tolentino na mag-practice bilang nurse at magkaroon ng clinical experience bago magdesisyon kung itutuloy rin niya ang pag-aaral ng medisina.










