VIGAN CITY – Balik-ensayo na naman para sa kanyang susunod na laban ang atletang si Joseph Arcilla, na siyang kauna-unahang nakasungkit ng gintong medalya sa larangan ng soft tennis para sa nagpapatuloy na 32nd Southeast Asian Games sa bansang Cambodia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Arcilla, makalipas ng ilang mga araw mula sa kanyang laro sa SEA Games ay balik paghahanda na naman ito para sa kanyang sasalihang Korean Open Tournament na magaganap sa June 14 sa bansang Korea gayundin ang Asian Games na magaganap sa buwan ng Agosto.
Ayon pa kay Arcilla, lubos niyang paghahandaan ang dalawang sporting events na sasalihan dahil target nitong makakuha ng gold medal lalo na sa Asian Games na aniya ay wala pa itong nakuhang medalya sa nasabing palaro.
Matatandaang napagtagumpayan ni Arcilla ang kanyang laban sa soft tennis kahit pa man nahirapan ito sa mga kinalabang bansa lalo na ang Cambodia para sa first game habang ang bansang Thailand naman ang nakaharap niya sa semifinals.
Dagdag nito na habang siya’y naglalaro sa semifinals ay inakala pa aniyang matatalo siya dahil sa pagtamo nito ng cramps na epekto aniya ng mainit na panahon sa Cambodia ngunit nagpokus umano ito sa laro kung saan nakahantong naman ito sa finals.