--Ads--

Nakatakdang maghain si dating Senador Antonio Trillanes IV ng panibagong reklamo laban sa mga 18 dating sundalo at iba pa.

Ito ay matapos ang pagkakadawit ng kanyang pangalan na umano’y nakatanggap ng $2 million mula kay dating Rep. Zaldy Co para sa International Criminal Court operations.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Trillanes, walang katotohanan ang nasabing alegasyon dahil malinaw umano na ito ay paninira lamang sakanya kaya naman pinag-aaralan na ng kanyang abogado ang mga kasong maaari pa niyang isampa dahil hindi umano ito biro.

Hamon ng dating senador sakanyang mga kinasuhan na harapin ang mga asunto laban sakanila at magpakita sila ng ebidensya.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin nito na hindi na niya ikagugulat kung sa mga susunod na araw ay may aamin sakanila na sila’y nabayaran lamang.

Maalalang naghain si Trillanes ng reklamong perjury laban sa 18 na umano’y dating sundalo at cyberlibel naman laban kina Atty. Levito Baligod, dating Rep. Mike Defensor, dating broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, at vlogger Cathy Binag.