VIGAN CITY – Hindi umano maapektuhan ang suplay ng karne para sa paggawa ng ipinagmamalaking bagnet at longganisa ng Vigan City, Ilocos Sur sa temporaryong ban sa pagpasok ng baboy at frozen pork meat sa lalawigan.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa mga lumalabas na balita na nakapasok na sa bansa ang African Swine Fever (ASF) virus kung saan ay ilang alagang baboy na sa Rodriguez, Rizal ang naapektuhan at namatay dahil dito.
Una rito, ipinag-utos na ng provincial government ang paghihigpit ng provincial quarantine office sa pagpapasok ng mga hayop sa lalawigan, lalo na ang mga baboy, pati na ang mga frozen pork meat upang maiwasan ang nasabing virus.
Kaugnay nito, tiniyak ng Ilocos Sur Hog Raisers’ Association na sapat ang suplay ng karne mula sa mga local hog raisers sa lalawigan kaya walang dapat na ipag-alala ang publiko.
Kung sakali man umanong kulangin ang suplay ng karne sa lalawigan, maaaring mag-angkat sa ibang lugar ngunit dadaan muna ito sa masusing inspeksyon at pag-aaral.