
Pinuna ng isang rockstar lawyer ang hindi pa pagsususpenso kay Senador Jinggoy Estrada sa kabila ng kinahaharap nitong plunder case sa Sandiganbayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Atty. Carlo Ybañez, sinabi nitong noon pa lamang ay dapat nang nasuspenso ang senador. Gayunman, hanggang ngayon ay wala pa ring inilalabas na preventive suspension order ang Sandiganbayan kahit sumuko na ito sa korte.
Ayon kay Ybañez, inaasahan niyang hindi na lalagpas sa linggong ito bago maglabas ng suspension order laban sa senador ang Sandiganbayan.
Aniya, kung maabswelto si Estrada ay maaari itong makabalik sa Senado. Ngunit kung mapatunayang nagkasala, hindi na ito maaaring makilahok sa mga proceedings.
Naniniwala rin ang abogado na hindi na magtatagal ang pag-usad ng kaso dahil may karapatan pa rin ang senador sa mabilisang paglilitis.
Matatandaang sumuko kahapon ang senador matapos na mailabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong kinahaharap nito.










