
VIGAN CITY – Nilinaw ng isang “rockstar lawyer” na hindi maaaring i-serve sa abogado lamang ang warrant of arrest (WOA) sa mga kasong kriminal.
Ito ay matapos sabihin ng abogado ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si Jimmy Bondoc na maaari na lamang kunin ng abogado ang WOA at siya na ang mag-aabot nito sa kanyang kliyente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Carlo Ybañez, sinabi nitong nakakatawa umano ang naging pahayag ni Bondoc dahil malinaw naman aniya na ang warrant of arrest sa isang criminal case ay may kasamang aktuwal na pag-aresto at pagkakulong.
Ayon pa kay Ybañez, hindi maaaring gamitan ng “proxy” ang pagsisilbi ng WOA dahil batay sa court procedures, hindi lamang simpleng pag-abot ng dokumento ang warrant of arrest.
Aniya, kinakailangang personal itong isilbi ng arresting officer sa akusado.
Dagdag pa niya, tila nalito umano si Bondoc dahil ang summons ang maaaring i-serve sa abogado, lalo na kung civil case ang usapin.










