--Ads--

Isang 44-anyos na police personnel na nakatalaga sa Narvacan Municipal Police Station ang naaresto sa Barangay Mission, Nagbukel, Ilocos Sur matapos umanong manakot, manlaban at manakit ng mga pulis na rumesponde sa isang insidente sa Ambarangan Waterfalls.

Nakatanggap ang pulisya ng report tungkol sa umano’y tatlong magkakasunod na putok ng baril sa lugar, ngunit hindi ito nakumpirma nang dumating ang mga rumespondeng pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PMAJ Alberto Ramos Jr., napag-alaman na ang suspek na pulis ay umano’y nakainom, naghahagis ng mga bagay at kinatatakutan ng ilang bisita sa lugar.

Habang tinutulungan siyang umahon mula sa tubig, nanlaban umano at nagbanta ang suspek kay PMAJ Ramos Jr. na papatayin siya.

-- ADVERTISEMENT --

Sinipa rin umano nito si PCpl Marjille Villegas, dahilan upang siya ay agad na arestuhin at posasan.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threats, Direct Assault, at Resistance and Disobedience sa ilalim ng Revised Penal Code.