VIGAN CITY – Isinusulong ng isang LGBTQ rights advocate na magkaroon ng public gender equality orientation sa bansa nang sa gayon ay maituro sa publiko kung paano nila tratuhin ang mga miyembro ng LGBTQ community.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa nangyari kay Gretchen Custodio Diez, ang transwoman na pinagbawalang pumasok sa girls’ CR sa isang mall sa Quezon City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay LGBT Pilipinas Secretary General Dindi Tan, sinabi nito na masyado pang mababa ang public awareness sa mga inilalaban nilang LGBTQ rights kaya maganda na magkaroon ng isang public gender equality orientation.
Aniya, isa ito sa iba pang naiisip nilang solusyon sa diskriminasyong nararanasan ng mga miyembro ng nasabing community sa bansa, maliban sa pagpasa ng SOGIE Bill.
Kasabay nito, muli nitong kinondena ang nangyari kay Diez at sinabing hindi makatao ang nangyari sa kaniya kaya marapat lamang na bigyan ito ng importansiya.