Inihayag ng isang political analyst na masyadong malaki ang PHP20M na pondong gagamitin sa ikatlong State of the Nation Address ni Presidente Ferdinand Marcos Jr sa July 22, ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Atty. Michael Henry Yusingco, ikinokonsidera nitong napakagastos ang halagang gagamitin sa SONA lalo na’t maraming mga mamamayan ang naghihirap dahil sa mahal na presyo ng mga bilihin.
Aniya, ginagamit umano ng presidente at ang kasamahan nito sa administrasyon ang SONA upang magyabang.
Dagdag pa ni Yunsingco na pwede naman aniyang gawing simple ang SONA dahil ang tanging mahalaga lang naman ay ang paghaharap sa iisang joint session ng pangulo, mga senador at mga mambabatas.
Imbes na gawing bongga ang SONA ay mas mabuti na lamang sana umano na inilaan ang badyet sa ibang pangangailangan ng bansa.