
Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Ilocos Sur si Atty. Estelita Cordero matapos pagsilbihan ng warrant of arrest kaugnay ng pitong bilang ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya.
Si Cordero ay kilalang pangunahing kritiko ni dating Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson.
Ang mga kaso ay isinampa ng dating gobernador kaugnay umano ng mga ipinost at pahayag ng abogado sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Cordero, sinabi nitong handa siyang harapin at sagutin ang lahat ng akusasyong isinampa laban sa kanya.
Ayon pa kay Cordero, naniniwala siyang ang mga kasong kinakaharap niya ay may kaugnayan sa kanyang pagtatanggol sa karapatan ng kanyang mga kababayan, dahilan umano upang siya ay maging target ng dating gobernador.
Samantala, agad ding nakalaya si Cordero matapos makapagpiyansa ng humigit-kumulang P300,000, kung saan P46,000 ang itinakdang piyansa sa bawat bilang ng kasong cyber libel.










