VIGAN CITY – Nakahanda na umano ang Rehiyon Uno sa nakaambang epekto ng La Niña pheonomenon ayon sa Office of the Civil Defense Region 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Information Officer II Adrian Pagsolingan, maayos aniya ang kanilang komunikasyon sa lahat ng mga local government unit sa rehiyon kung kaya’t tiwala itong maipapaabot sakanila nang mas maaga ang mga update o mga kakailanganin nila kung sakaling sila ay masalanta.
Magsasagawa rin umano sila ng pre-disaster risk assessement mula sa mga warning agencies ngayon araw upang ma-evaluate ang mga hazard level sa ilang bahagi ng rehiyon.
Patuloy naman aniya ang kanilang pagkuha ng mga non-food items o welfare goods bilang emergency supplies na maipapamahagi sa mga residente sakaling sila ay maapektuhan at mangailangan ng tulong.
Sa ngayon ay nananatiling nasa white alert status ang rehiyon ngunit nagpaalala ito sa publiko na maging mapagmatyag at maghanda sa posibleng maging epekto ng sakuna.