--Ads--
© Ryan Luis V. Singson (Official FAN PAGE)  – Governor Ryan Singson in the middle with Muslim leaders in Ilocos Sur

VIGAN CITY – Nagpasaklolo sa provincial government ng Ilocos Sur, lalo na kay Governor Ryan Singson ang mga miyembro ng Muslim Community sa Zone 3, Bantay dahil sa ‘di umano’y pambubully sa mga kabataang Muslim.

Ito ay may kaugnayan sa kumalat na terror threat ng Northern Luzon Command kung saan ang mga teroristang ISIS ang ‘di umano’y magpapasabog sa ilang lugar sa Northern Luzon, kasama na ang Ilocos Sur.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, tinatawag umanong anak ng mga ISIS ang mga kabataang Muslim sa nasabing lugar kaya hindi sila nilalapitan ng kanilang mga kamag-aral sa paaralan.

Una nang sinabi ng mga miyembro ng Muslim community na dahil sa nasabing terror threat ay naapektuhan din ang kanilang negosyo.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi naman ni Singson na walang dapat sisihin sa banta ng seguridad sa lalawigan lalo pa’t sinabi ng mga Muslim na ayaw nila ng kaguluhan kaya sila umalis sa Mindanao.

Idinagdag pa nito na walang puwang ang diskriminasyon sa pagitan ng Kristiyano at Muslim sa lalawigan dahil kapuwa sila nakakatulong sa pag-unlad ng Ilocos Sur.