
Ligtas na nasagip ng mga awtoridad ang isang menor de edad matapos umanong i-hostage ng isang 37-anyos na lalaki na umano’y mental disability sa Barangay Daddaay, Alilem, Ilocos Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan kay Provincial Director Agosto Asuncion ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), nasa loob umano ng isang kuwarto ang suspek kasama ang bata habang isinasagawa ng mga pulis ang negosasyon upang mapayapang maresolba ang sitwasyon.
Habang nagpapatuloy ang negosasyon, tinawag umano ng isang concerned citizen ang pangalan ng suspek dahilan upang mapalingon ito sa bintana. Sinamantala ng mga pulis ang pagkakataon at mabilis na inagaw ang bata mula sa suspek at ligtas itong nailabas ng kuwarto.
Nagtamo ng mga sugat sa magkabilang binti ang biktima at agad na binigyan ng paunang lunas sa tulong ng isang nurse mula sa Rural Health Unit (RHU). Kalaunan, dinala ang bata sa Ilocos Sur District Hospital-Bio sa Tagudin para sa karagdagang medical attention.










