--Ads--

VIGAN CITY – Nakatakdang paimbestigahan umano ng Makabayan bloc sa Kamara ang napaulat na hindi naipamahaging mga libro at kwestyunableng textbook contracts ng Department of Education (DepEd).

Nito lamang nakaraan nang lumabas ang report ng Commission on Audit na mayroon silang natuklasan na PHP 254 milyon na halaga ng kwestyunableng textbook contracts at P113.7 milyon na hindi naipamahaging libro ng DepEd.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni ACT Teacher’s Partylist Rep. France Castro, muli nitong iginiit na madalas na ang mga guro ang naglalabas ng kanilang sariling pera para matugunan ang mga pagkukulang at kailangan nila sa pagtuturo at pati mga estudyante ay nagpapa-photocopy pa dahil sa kulang ang mga kailangan nilang libro sa pag-aaral.

Aniya, maghahain umano sila ng resolusyon para siyasatin at pag-aralan ang ulat ng COA tungkol sa nasabing iregularidad sa kagawaran kasabay ng pagtitiyak nito na irerekomenda nila na maparusahan ang sinumang nasa likod ng nasabing anomalya.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa panig naman ng DepEd, sinabi sa mensahe ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa Bombo Radyo na nakahanda umano ang kagawaran sa anumang imbestigasyong isasagawa ng mga mambabatas dahil malinis umano ang kanilang konsensya.