
Patay ang magkasintahan matapos araruhin ng isang SUV ang limang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Gongogong, San Ildefonso, Ilocos Sur.
Ang mga biktima ay parehong residente ng Barangay Tambo Malaki, Indang, Cavite.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Joseph Fieldad ng San Ildefonso Police Station, tinatahak ng SUV ang pahilagang direksyon nang tangkain nitong mag-overtake.
Gayunman, hindi nito napansin ang magkakasunod na motorsiklo sa kabilang linya, dahilan upang sunod-sunod na mabangga ang mga ito.
Dahil sa lakas ng impact, tumagilid ang SUV at nagtamo ng mga sugat ang drayber. Sugatan din ang ilang sakay ng mga motorsiklo.
Sa kasamaang-palad, ang magkasintahang sakay ng huling motorsiklong inararo ng SUV ay nasawi sa insidente.
Mahaharap ang drayber ng SUV sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to property.










