VIGAN CITY – Patay ang mag-asawang pinagbabaril ng isang gunman habang sakay ng kanilang traysikel sa Barangay Patong, Magsingal, Ilocos Sur.
Nakilala ang mga biktima na sina Maynard Unciano Torreno, 33-anyos, at si Mary Rose Tabag Torreno, 32-anyos, parehong residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan kay PLT. Richard Pajo ng Magsingal Police Station, sakay ng kanilang traysikel ang mga biktima kasama ang kanilang 9-anyos na anak nang pinagbabaril ito ng suspek na nakasuot umano ng bonnet at pagkatapos ay agad na tumakas.
Nagtamo ng tama ng baril ang mga biktima sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan habang ligtas at walang galos ang kanilang anak.
Naitakbo sa ospital ang mga biktima ngunit dead on arrival ang mister habang ang misis naman ay namatay matapos sumailalim sa operasyon.
Nabatid na bago namatay ang babaeng biktima ay nabanggit umano nito na isang nagngangalang Erwin Ubilas ang bumaril sakanila.
Hininihalang isang calibre 45 at M16 rifle ang ginamit sa pamamaril base sa mga nakuhang empty shell sa crime scene.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga otoridad kung ano ang motibo sa insidente dahil napag-alaman na ang lalaking biktima ay suspek sa pamamaril-patay sakanyang pinsan noong Enero 2025.