--Ads--
Photo coutesy- Lia Grey- Nurse sa King Fahad Medical City, Riyadh, Saudi Arabia kung saan naka-confine si Carmen Tabon ng Naguimba, Banayoyo Ilocos Sur

VIGAN CITY – Nagpasaklolo sa Bombo Radyo Vigan ang isang kaanak ng Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia na higit isang taon nang nasa King Fahad Medical City sa Riyadh, Saudi Arabia para makauwi na ito sa Naguimba, Banayoyo, Ilocos Sur.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Elmer Aglibut na nasa Vancouver, Canada na kapatid ng biktimang si Carmen Aglibut Tabon, sinabi nito na kumpleto na umano ang mga papeles ni Carmen para makauwi dito sa Pilipinas ngunit ayaw umano itong isakay ng isang airline company.

Aniya, hindi umano nila alam kung bakit ayaw ng airline company na isakay pauwi dito sa Pilipinas si Carmen kaya ito ang nais nilang idulog sa Bombo Radyo Vigan.

Ayon kay Elmer, naaksidente umano sa loob ng bahay ng kaniyang amo si Carmen kaya tumama ang ulo sa sahig at posibleng na-stroke pa ito kaya kalahati ng kaniyang katawan ang hindi niya maigalaw.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa si Elmer na sa pamamagitan ng Bombo Radyo ay matulungang makauwi sa Pilipinas ang kaniyang kapatid upang dito na magpagaling at makasama na ang kaniyang asawa at anim na anak.