
Agad na bumuo ang pamahalaan ng Japan sa pamumuno ni Prime Minister Sanae Takaichi ng isang emergency task force kasunod ng malakas na magnitude 7.1 na lindol na tumama sa Kumamoto Prefecture sa isla ng Kyushu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Bombo International Correspondent Hannah Galvez, layunin ng task force na pangunahan ang search-and-rescue operations, tiyakin ang kaligtasan ng mga residente, at masuri ang lawak ng pinsala sa mga imprastraktura habang patuloy na pinapayuhan ang publiko na maging handa sa posibleng mga aftershock.
Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), naitala ang epicenter ng lindol malapit sa Uki City sa lalim na humigit-kumulang 10 kilometro. Umabot sa Shindo 7, ang pinakamataas na antas sa seismic intensity scale ng Japan, ang pagyanig sa Uki City at Hikawa.
Pansamantalang nagpalabas ng tsunami advisory para sa Ariake Sea at Yatsushiro Sea, ngunit agad din itong inalis matapos walang naitalang mapanganib na pagtaas ng alon.
Sa pinakahuling ulat, mahigit 140 katao ang nasugatan habang ilan ang nasawi. Bahagyang gumuho ang ilang kabahayan at nagtamo rin ng malaking pinsala ang Aeon Mall sa Kashima Town.
Nawalan din ng kuryente ang sampu-sampung libong kabahayan sa Kumamoto, habang pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng mga pangunahing linya ng tren, kabilang ang Kyushu Shinkansen, at itinigil ang mga flight sa Kumamoto Airport habang isinasagawa ang safety inspections.










