--Ads--

VIGAN CITY – Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Ilocos Sur Police Provincial Office upang imbestigahan ang sunud-sunod na pagkakabingwit ng mga mangingisda sa lalawigan ng bilyong halaga ng ilang mga pakete ng shabu na may Chinese markings.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Provincial Director PCOL. Darnell Dulnuan, ang task group ay bubuuin ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Coast Guard, Maritime Patrol, Philippine Drug Enforcement Group, at Forensic Group na tututok kung saan nanggagaling ang mga bloke ng droga sa karagatan.

Sa ngayon, aabot na sa 81 packs ang mga shabung nakuha na may kabuuang bigat na 80,961.40 grams at nagkakahalaga ng mahigit kalahating bilyong piso.

Maalalang sunod-sunod ang pagkakatagpo ng mga mangingisda mula sa bayan ng San Juan, Sta. Maria, Magsingal at Cabugao sa mga bloke ng shabu na agad naman nilang ipinasakamay sa mga otoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pagkakalooban naman ng Ilocos Sur Provincial Government ng tig-PHP50K ang mga mangingisda na nagpasakamay sa mga iligal na droga sa otoridad.