VIGAN CITY – Isolated ang ilang barangay sa Ilocos Sur dahil sa patuloy na pag-ulang nararanasan ng lalawigan dulot pa rin ng habagat.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, limang barangay sa bayan ng Tagudin ang hindi makatawid sa Amburayan river para pumunta sa mismong sentro ng nasabing bayan dahil mataas ang lebel ng tubig.
Ang mga nasabing barangay na ito ay ang Barangay Pudoc East, Barangay Pudoc West, Sawang, Baritao at Pacac.
Dahil dito, rescue boat ng Tagudin municipal disaster risk reduction and management council ang ginagamit ng mga otoridad upang maitawid ang mga residente sa mga nasabing barangay na pupunta sa sentro ng bayan.
Samantala, sa bayan naman ng Suyo na isang upland municipality ng lalawigan, mayroong ilang landslide na naitala sa iba’t ibang lugar dahil pa rin sa masamang lagay ng panahon.
Naapektuhan din ang Suyo-Cervantes road ng landslide dahil isang lane lamang ng nasabing kalsada ang maaaring daanan ng mga motorista.