Pinangalanan ni Pope Francis ang Sanctuary of Our Lady of the Assumption Church sa bayan ng Sta. Maria, Ilocos Sur bilang Minor Basilica.
Ito na ang ikalawang minor basilica sa lalawigan matapos na maideklara noong February 16, 2022 ang simbahan ng St. Nicolas de Tolentino and Shrine of Sto. Cristo Milagroso de Sinait.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Fr. Ernie Juarez, Parish priest ng Our Lady of the Assumption Church, ikinagagalak umano nito ang pagiging basilica ng simbahan dahil matagal na rin nila itong hinintay.
Malaking bagay aniya ito sa Archdiocese at sa Simbahang Katolika upang maisulong ang social justice sa mga deboto.
Gaganapin ang solemn eucharistic declaration sa August 15, 2024, araw ng kapistahan ng Our Lady of the Assumption.
Nagpadala na rin ng imbitasyon si Vicar General Msgr. Sammy Rosimo kay Papal Nuncio Charles Brown kasama ang mga cardinal at obispo sa bansa upang pangunahan ang nakatakdang seremonya.