VIGAN CITY – Mahigpit pa rin ang monitoring ng mga otoridad sa di umano’y pagpapasabog ng mga teroristang ISIS sa ilang lugar sa Northern Luzon, kasama na ang Vigan City, Ilocos Sur.
Ngayon ang ikalawang araw ng nasabing banta sa seguridad kung saan kahapon, August 11, ang sinasabing unang pagsalakay ng mga terorista ngunit wala namang nangyaring hindi kanais-nais sa lungsod o sa iba pang bahagi ng lalawigan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ilang mga stalls sa Vigan City public market ang nagsara kahapon dahil sa nasabing banta at hanggang ngayon ay may ilan pa ring tindera na hindi nagbukas ng kanilang puwesto dahil sa takot.
Una nang pinabulaanan ng mga otoridad ang nasabing security threat sa lalawigan at iba pang bahagi ng Northern Luzon matapos na mayroong nag-leak na alert memo galing sa Northern Luzon Command.
Tiniyak ng NolCom at ng kapulisan na secured ang mga tao sa rehiyon at wala silang namomonitor na anumang pagsalakay ng mga terorista ngunit mahigpit pa rin ang kanilang monitoring at security operations.