VIGAN CITY – Patay ang isang anim na taong gulang na lalaki na Grade 1 pupil sa Barangay Parparia, Narvacan, Ilocos Sur matapos itong tuklawin ng isang ahas sa nasabing barangay.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Narvacan councilor Joven Ampo na nangyari umano ang insidente kahapon nang umuwi sa kanilang bahay galing sa paaralan ang biktimang si Jerwin Almario.
Papasok na umano ito sa loob ng kanilang bahay ng mapansin ang piso na nasa isang mababaw na butas malapit sa pinto ng kanilang bahay.
Kinuha niya umano ito ngunit pagka-angat nito sa kanilang kamay ay sumama ang ahas na kumagat sa kaniya.
Nakita umano ng ama nito ang nangyari ngunit kaagad na bumalik sa butas ang nasabing ahas.
Nagpatulong sa mga kapitbahay ang ama ng biktima ngunit imbes na sa ospital kaagad ito isugod, sa albularyo muna ito dinala sa pag-asang matatanggal nito ang lason sa katawan ng bata.
► Konseho ti ili a Narvacan, tulungan da iti pamilya ti ubing a natay a kinagat iti uleg
Ngunit, sinabi umano ng albularyo na hindi na nito kayang gamutin ang bata dahil kumalat na sa katawan nito ang lason ng kumagat sa kaniyang ahas.
Dahil dito, nagdesisyon ang pamilya ng biktima na dalhin na ito sa ospital ngunit naideklerang dead on arrival.
Pagkatapos umano nito, dinala pa sa isang albularyo ang biktima sa pag-asang magagamot at mabubuhay pa ito ngunit kagaya ng naunang albularyo na pinagdalhan sa bata ay sinabi nitong kumalat na ang lason sa katawan ng biktima at wala na itong magagawa pa.
Sa ngayon, naiuwi na ang bangkay ng biktima sa kanilang bahay habang pinagtulungan naman ng mga kapitbahay nito na patayin ang kumagat sa kaniyang ahas na posibleng nangingitlog nang mangyari ang insidente dahil nakita sa butas ang anim na maliliit na itlog nito.