VIGAN CITY-Ipinagtanggol ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pahayag nitong nagamit ang “lobby money talks” sa pagbasura sa appointment ni Sec. Gina Lopez bilang DENR secretary.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Sec. Aguirre, sinabing nitong malawak ang intelligence sources ng pangulo kaya’t may matibay na basehan ang kanyang mga pahayag.
Sinabi pa ni Aguirre na sadyang nangyayari na ang ganitong mga bagay kung saan ay nagagamit ang pera o panunuhol.
Kung maalala sa opening ceremony ng Philippine Orthopaedic Association 27th Mid-year Convention sa Davao City, sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang magagawa sa pasya ng mga miyembro ng CA dahil sadyang nagagamit ang pera sa ganitong proseso para impluwensyahan ang kanilang desisyon.
Samantala, nanghihinayang naman si Aguirre sa kinahinatnan ng appointment ni Lopez dahil karapat-dapat siya sa posisyon at nakakamanghang passion sa pangangalaga sa kalikasan.
Kung sakaling totoo man ang usaping si Atty. Mark Tolentino mula sa Caraga Region ang papalit kay Lopez ay naniniwala si Aguirre na magagampanan niyang mabuti ang kanyang posisyon.