
Inilarawan ng constitutional lawyer na si Atty. Dino De Leon na patunay ng “Constitution at work” ang proseso ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng naging desisyon ng Senate impeachment court sa voting threshold para sa conviction.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Atty. Dino De Leon, gumagana ang mga institusyon at accountability mechanisms na itinatadhana ng Saligang Batas.
Iginiit din niya na hindi nagbago ang kinakailangang two-thirds threshold para sa impeachment proceedings.
Aniya, nananatili itong two-thirds at hindi ito bagong requirement.
Ang nagbago umano ay kung sinu-sino ang dapat isama sa bilang ng mga senador na maaaring ikonsidera sa proseso.
Ayon sa abogado, hindi maaaring basta isama sa bilang ang mga senador na suspendido kaugnay ng plunder case, ang mga nagtatago bilang pugante, at ang isang senador na naka-medical leave sa labas ng bansa.
Binigyang-diin din niya na kung nais ng isang “strong Constitution,” hindi lamang dapat tingnan ang usapin sa pamamagitan ng mathematical computation.
Aniya, kailangang tingnan ang proseso sa lente ng accountability—at ito umano ang ginawa ng impeachment court sa naging hakbang nito kahapon.










