--Ads--

Tinawag na “harassment” ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang naisampang reklamo laban sa kanya sa Ombudsman, kasama ang iba pang opisyal.

Ang complainant ay ang grupong Warriors ti Ilocos Sur, Incorporated na pinangungunahan ni Atty. Estelita Cordero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Singson, iginiit niya na hindi nila pinagtatakpan ang mga magnanakaw.

Ayon sa kanya, ang kasong isinampa laban sa kanya ng tinawag niyang mga “attack dog” ay layong hadlangan ang kanyang pagtestigo sa Senado upang isiwalat ang kanyang nalalaman hinggil sa flood control scandal.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, hindi sila titigil sa kabila ng mga kasong isinampa laban sa kanya dahil naniniwala siyang may hangganan din ang umano’y mga kasinungalingang ibinabato laban sa kanya.

Ang mga kasong naisampa kay Singson at mga iba pang opisyal ay kinabibilangan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Republic Act 8240 na nag-ugat sa umano’y maling paggamit ng humigit-kumulang ₱585 milyon mula sa Tobacco Excise Tax, na ginamit sa pagpapatayo ng “Tobacco Farmers Convention Center” noong 2008.