
Tahasang inihayag ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na hindi na nito susuportahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga susunod na eleksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Singson, ito ay dahil umano nakalimot na ang pangulo sa mga tumulong sakanya upang maupo sa puwesto.
Tatakbo lang umano sana bilang pangalawang pangulo si Marcos ngunit si siya ang nagtulak na tumakbo bilang pangulo at tumulong sakanya sa pangangampanya.
Nadismaya ang dating gobernador dahil sa kabila ng pagtulong nito kay Marcos noong 2022 elections ay parang hindi na siya kilala ng pangulo.
Aniya, sa kanilang byahe sa Japan, nabanggit lahat ng pangulo ang mga nakaupo sa presidential table maliban lamang sakanya.
Mula rito, hindi na nakausap pa ni Singson ang pangulo kahit pa sinubukan niyang makipag-ugnayan sa mga tauhan nito.
Gayunman, hihintayin na lang umano ng dating opisyal na matapos ang termino ng pangulo, dahil baka raw ito aniya ang pagkakataon na makilala siyang muli ng pangulo.