
Sa kabila ng kapansan, hindi naging hadlang sa isang lalaking bulag na patuloy na magbahagi ng dugo at makatulong sa pagliligtas ng iba sa isinagawang nationwide Dugong Bombo Blood Letting Activity ngayong araw.
Ayon kay Christopher Singson na isang successful blood donor, labis ang kanyang kagalakan at pasasalamat dahil sa kabila ng kanyang kondisyon ay kaya pa rin ng kanyang katawan na magbigay ng dugo at makatulong sa kapwa.
Ibinahagi rin niya na nagmula ang kanyang adhikain sa personal na karanasan nang maaksidente siya noon at mangailangan ng dugo.
Naranasan umano niyang mahirapan sa paghahanap ng blood donor kaya nangako siya sa sarili na kung magkakaroon ng pagkakataon, gagawin niya ang lahat upang hindi na maranasan ng iba pang kababayan ang hirap ng paghahanap ng dugo.
Dahil dito, patuloy siyang nagdo-donate ng dugo bilang paraan ng pagtulong at pagbibigay-inspirasyon sa iba.
Walong beses na umano siyang nag-donate, ngunit hindi pa rin nauubos ang kanyang kagustuhang makatulong at makapagligtas ng buhay.










