--Ads--

Isang batang siklista na tubong Ilocos Sur ang muling naghatid ng karangalan sa Pilipinas matapos maghari sa 2026 Gimcheon International Junior Road Race sa South Korea.

Kinoronahan bilang Overall General Classification Champion si CJ Cabreros matapos dominahin ang dalawang yugto ng kompetisyon.

Naiuwi niya ang panalo sa parehong Stage 1 at Stage 2, dahilan upang mapanatili ang kanyang pangunguna hanggang sa pagtatapos ng karera.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay CJ Cabreros, sinabi nitong sa kabila ng daan-daang nakatunggali mula sa iba’t ibang bansa, nanatili siyang nakatuon sa kanyang layunin na maipanalo ang naturang international competition.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Stage 1, matagumpay na nagpakawala si Cabreros ng isang solo attack na nagbigay sa kanya ng panalo at ng pagkakataong maisuot ang leader’s jersey.

Sinundan niya ito ng isa pang dominanteng panalo sa Stage 2, na lalo pang nagpalawak ng kanyang lamang sa overall standings.

Dahil sa kanyang kahanga-hangang performance sa buong torneo, naiuwi ni Cabreros ang pinakamataas na karangalan bilang Overall General Classification Champion.

Samantala, taos-pusong nagpasalamat si Cabreros sa lahat ng sumuporta at tumulong sa kanyang paghahanda at paglahok sa kompetisyon, lalo na sa mga patuloy na nagtiwala at nagbigay ng inspirasyon sa kanyang tagumpay.