VIGAN CITY –Mariing pinabulaanan ng mga militar at kapulisan sa lalawigan ng Ilocos Sur ang di umano’y nakatakdang paglusob ng mga terorista sa ilang pampublikong lugar sa lalawigan kabilang na ang mga simbahan at palengke.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Police Lt. Col. Fidel Junio, hepe ng Vigan City police station na wala umano silang nakikitang banta ng seguridad sa lungsod ng Vigan kung nasaan ang St. Paul Metropolitan Cathedral na dinarayo ng mga turista at deboto.
Aniya, mayroon din umanong mandato sa lahat ng police stations sa lalawigan si Police Col. Adolfo Rafanan na magkaroon ng intense police visibility sa kanilang mga nasasakupan nang sa gayon ay mabantayan ang seguridad ng publiko.
Samantala, sa naisagawang meeting kahapon na pinangungunahan ng City committee on public order and safety, sinabi ni 1st Lt. Amad Sahirani ng 81st Infantry Battalion na wala umanong dapat na ipag-alala ang publiko dahil mahigpit ang kanilang monitoring sa seguridad sa lalawigan at hindi umano totoo ang mga kumakalat na terror threat sa social media.
Kaugnay nito, sinabihan ni Sahirani ang publiko na itigil na ang pagpapakalat ng mga nasabing kopya ng terror threat nang sa gayon ay hindi na madagdagan pa ang pag-aalala ng publiko.