
Patay ang isang 56-anyos na babae habang sugatan naman ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay V, Bantay, Ilocos Sur.
Ang nasawing biktima ay residente ng San Vicente, Ilocos Sur.
Samantala, kabilang sa mga sugatan ang isang 41-anyos na residente ng Vigan City na live-in partner ng nasawing biktima, at isang 39-anyos na residente ng Sta. Maria.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PLT Donne Alfred Gamueda, apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang sinasabing sangkot sa pamamaril.
Papasok na sana sa kanilang sasakyan ang babaeng biktima nang makarinig ng mga putok ng baril ang isang guwardiya ng Land Registry Authority.
Nang tingnan ng guwardiya ang pinagmulan ng putok, nakita nitong nakahandusay ang babae habang humihingi naman ng tulong ang driver ng sasakyan na kabilang sa mga sugatan.
Nagawa pa umanong makapagpaputok pabalik ang live-in partner ng nasawing biktima, ngunit hindi nito tinamaan ang mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril.










