
Kulang umano ang affidavit ni Ramil Madriaga kung ito lamang ang magiging basehan upang patibayin kontra kay Vice President Sara Duterte, ayon sa isang political analyst.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco na kailangan pa ng iba’t ibang ebidensya na mapagtatagpi at ng testimonya mula sa iba pang personalidad na binanggit ni Madriaga sa kaniyang affidavit.
Ayon kay Yusingco, hindi maaaring basta na lamang paniwalaan ang mga pahayag ni Madriaga hinggil sa umano’y paghatid ng malaking halaga, dahil sa isinagawang pagdinig ay hindi umano nito nakita ang kaniyang kredibilidad.
Ikinagulat din ng political analyst na pinayagan si Madriaga na basahin ang kaniyang affidavit, at may mga bahagi umano ito na hindi na konektado sa mga impeachment charges.










