Ipinahayag ng ACT Teachers Partylist na wala umanong karapatan si Vice President Sara Duterte na magsabi na napag-iwanan na ang Pilipinas sa sistema ng edukasyon dahil nananatili pa ito sa tradisyunal na papel at lapis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Rep. Antonio Tinio, binatikos nito si Vice President Duterte dahil nabigyan na ito ng pagkakataon na baguhin at pagandahin ang sistema ng Department of Education sa bansa sa pamamagitan ng pagiging DepEd Secretary sa loob ng dalawang taon ngunit wala umano itong ginawa para pagaanin ang sitwasyon.
Itinuturing niyang “Worst DepEd Secretary in History” si Vice President Duterte at makapal umano ang kaniyang mukha dahil pinupuna ang sitwasyon ng ahensya dahil imbes na tumulong ay naging problema pa ito.
Sinabi pa ni Rep. Tinio na sa pag-upo bilang deped secretary ng bise presidente ay lumala pa ang learning crisis dahil ang kaniyang inatupag ay ang confidential at intelligence fund na walang kinalaman sa ahensya.
Inalala rin nito na target ng DepEd noong 2023 na magkaroon ng 6,000 na classroom ngunit sa pamamahala ni Duterte ay 192 classroom lamang ang naipatayo; hindi rin umano epektibo ang Matatag Curriculum dahil imbes na mapagaan ay naging overload pa ang trabaho ng mga guro; at pinatanggal ang mga visual aids sa nga classroom na makakatulong sana sa mga bata upang mapadali ang pag-intindi nila sa kanilang inaaral.
Pinayuhan nito ang bise presidente na sa halip na pinupuna ang DepEd ay tumulong na lang upang masolusyonan ang kinakaharap na problema.