VIGAN CITY- Nakatakdang isagawa ang pagsira o pagsunog sa mga walumput siyam na pakete ng kumpirmadong high-grade shabu sa Hulyo 8 dito sa probinsiya ng Ilocos Sur sa presensya ng mga kinauukulang ahensya, miyembro ng media, mga mangingisda na nakapulot ng shabu, at mga tatlongput apat na alkalde ng lalawigan para makita na hindi napalitan ang mga nasabing droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Ilocos Sur Provincial Board Member Efren Rafanan, Chairman ng Committee Peace and Order Acting Governor, pinagmamalaki niya ang katapatan ng mga mangingisda dito sa probinsiya, dahil kahit alam nilang nagkakahalaga ito ng milyong piso ay pinili parin nilang i-surrender sa mga otoridad.
Aniya, malaki ang posibilidad na hinulog ng isang barko sa karagatan ang mga nasabing illegal na droga.
Binigyang-diin din niya na para hindi maakit ang mga mangingisda na ibenta ang shabu sa mga sindikato kapalit ng malaking halaga, itinakda nila na sa Hulyo 5 ang deadline para sa pag-turn over sa mga narekobreng shabu para makatanggap ng Php50,000 incentive reward, at P5,000 kada pakete ng shabu, mula sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Samantala, crematorium naman ang gagamitin para sunogin at sirain ang mga droga.