
Umabot sa 60 kabahayan ang nasira dahil sa ipo-ipo at malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Ilocos Sur, kasabay ng epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalalakas ng Tropical Depression “Pilandok.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Governor Jerry Singson, umabot na sa 5,026 pamilya o 17,371 indibidwal ang naapektuhan sa 18 lokal na pamahalaan at 168 barangay sa lalawigan.
Dalawa sa mga nasirang kabahayan ang totally damaged habang 58 naman ang partially damaged.
Sa mga naapektuhan, 158 pamilya o 439 indibidwal ang lumikas—90 pamilya ang nasa evacuation centers habang 68 pamilya naman ang nakikituloy sa labas ng mga evacuation center.
Patuloy pagbibigay ng tulong ng mga LGU at Provincial Government of Ilocos Sur, kabilang ang family food packs, hygiene kits, family kits at shelter repair kits.
Ipinasiguro naman ng gobernador na nakahanda ang PGIS na umalalay sa mga apektadong residente, kabilang ang pamamahagi ng mga materyales para sa mga nasirang kabahayan.
Samantala, patuloy na nagdadala ng pag-ulan sa Ilocos Region ang Southwest Monsoon o Habagat, na pinalalakas ng Tropical Depression “Pilandok.”










