
Nasawi ang isang 3-taong-gulang na batang lalaki matapos umanong saksakin ng ama mismo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lacong, Tagudin, Ilocos Sur.


Ang ama ng bata na itinuturing bilang person of interest ay 29-anyos, residente rin ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Major Kleyvan Paycao Dalang, ala una ng madaling araw nang makarinig umano ang lola at tiyahin ng bata na nag-uusap ang mga ito sa loob ng kwarto.
Bandang alas-11 ng umaga, napansin ng lola na hindi pa lumalabas ng kanilang kuwarto ang kanyang apo.
Nang buksan niya ang kuwarto, nakita niyang nakabalot ng kumot ang bata. Nang alisin niya ito, nakita niyang may tama ng saksak sa dibdib ang biktima.
Agad na isinugod ang bata sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, tumakas umano ang person of interest matapos ang insidente.
Ayon pay kay Dalang, kagagaling umano ng ama ng bata sa rehabilitation center.
Patuloy pa ring nag-iimbestiga ang kapulisan sa insidente.










